Isang linggong pinagdiriwang ng lungsod ng San Pablo ang
taunang kapistahan ng santong si San Pablo, ang Unang Ermitanyo. Iba’t ibang
mga programa at palabas ang dinaraos sa buong linggong ito. Tuwing ika-13 ng
Enero ay binibigyang halaga ang pagpapamalas ng talentong ng mga mag-aaral mula
sa iba’t ibang paaralan ng lungsod, mula sa primarya hanggang sa kolehiyo. Ito
ay tinatawag na Mardigras Streetdance
Competition. Dito natin makikita ang puspusang preparasyon ng mga guro at
mga estudyanteng kalahok sa naturang paligsahan. Panglabinlimang taon na ito
ginagawa ng mga San Pablenyos.
Ano nga ba ang bumubuo dito? Sinu-sino ang mga taong nararapat
lamang na magpamalas ng kanilang galing sa larangang ito?
Walang limitasyon ang pagsali dito. Sa bawat dibisyon
(primarya, sekondarya at kolehiyo), maaaring magparehistro ang alinmang mga
paaralan na nais sumali. Halimbawa nito ay ang naging paaralan ko noong ako’y
nasa ikalimang baitang. Taun-taon ay sumasali ang eskwelahan ko. Sa bawat sayaw
ay maaaring sumali ang kahit na sino man. Ang magiging limitasyon lamang nito
ay kung lumampas na sa inaasahang bilang ng mga mananayaw ang isang grupo. Bawat
baitang ay mayroong mga kalahok upang maipakita ang kooperasyon ng buong
samahan ng paaralan.
Bago pa man magkaroon nito, puspusan na ang paghahanda
para sa buong koreograpia ng magiging sayaw. Tulong-tulong ang mga guro ng PE sa
pagbubuo nito. Oktubre pa lamang ay nag-eensayo na ang lahat tuwing hapon
pagkatapos ng klase. Pinepwesto sa unahan ang mga magagaling na mananayaw at
sila namang inilalagay sa hulihan ang mga lalaking tagabuhat ng mga props na
gagamitin. Tatlong buwan ginagawa ang ganitong pamamaraan hanggang sa dumating
na ang araw ng paligsahan.
Sa tatlong taon kong panonood ng paligsahang ito sa
lungsod ng San Pablo, marami akong napansing mga pagbabago sa pagdaan ng
panahon. Marahil ay dahil na rin sa pag-angat ng lungsod, marami nang mga
materyales ang napalitan at mas ginamit na ang mga sintetikong props sa
pagpapaganda ng mga kasuotan. Kung ating susuriing mabuti, dala na rin ito
marahil sa laki ng badyet na inilalaan ng mga paaralan (paghingi ng mas
malaking kabayaran ng bawat mag-aaral na kasali) para sa ganitong kompetisyon
kaya’t may kakayahan silang pagandahin pa ang mga gagamitin. Maaaring masasabi
nating maganda ito dahil kahit mahirap na ang buhay sa mga panahong ito,
nagagawa pa rin nilang isalba at maisali ang mga mag-aaral na nagnanais na
ipakita ang kanilang talento sa pagsayaw. Ngunit, kung ating iisiping mabuti,
nawawala na ang orihinal na punto kung bakit nagsasagawa ang lungsod ng
ganitong mga paligsahan. Ito ay upang mas palawigin pa ang pagtataguyod ng
sariling atin, ng sariling produktong ipinagmamalaki ng lugar na nadadala sa
pagpapakita ng abilidad ng mga kabataan.
Isang bagay lamang ang patuloy na ipinapakita nito.
Binibigyang pansin ang presensya ng estado ng pamumuhay para sa mga maaaring
sumali rito (Marxism-class). Oo at galing ka sa isang pampublikong paaralan
ngunit sa pagbabayad ng mga materyales para sa lahat-lahat ng kakailanganin,
walang excemption. Ito ang irony nito. Sa kabilang banda, may magandang
naidudulot din ito para sa pagbibigay-diin ng kahalagahan ng art nang walang
panghuhusga sa panlabas na kaanyuan ng tao dahil lamang sa mga damit na
kanilang isinusuot. Kung magandang tingnan na ang lahat ng mga kalahok ay
naka-disenyong palda para sa pang-ibaba, maging ang mga lalaki ay kasama dito.
Walang kahit anong malisya. Lahat ay isinasagawa.