Friday, March 15, 2013

Politics exists in a CULTURAL PRODUCT



              Isang linggong pinagdiriwang ng lungsod ng San Pablo ang taunang kapistahan ng santong si San Pablo, ang Unang Ermitanyo. Iba’t ibang mga programa at palabas ang dinaraos sa buong linggong ito. Tuwing ika-13 ng Enero ay binibigyang halaga ang pagpapamalas ng talentong ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ng lungsod, mula sa primarya hanggang sa kolehiyo. Ito ay tinatawag na Mardigras Streetdance Competition. Dito natin makikita ang puspusang preparasyon ng mga guro at mga estudyanteng kalahok sa naturang paligsahan. Panglabinlimang taon na ito ginagawa ng mga San Pablenyos.
            
          Ano nga ba ang bumubuo dito? Sinu-sino ang mga taong nararapat lamang na magpamalas ng kanilang galing sa larangang ito?
           
            Walang limitasyon ang pagsali dito. Sa bawat dibisyon (primarya, sekondarya at kolehiyo), maaaring magparehistro ang alinmang mga paaralan na nais sumali. Halimbawa nito ay ang naging paaralan ko noong ako’y nasa ikalimang baitang. Taun-taon ay sumasali ang eskwelahan ko. Sa bawat sayaw ay maaaring sumali ang kahit na sino man. Ang magiging limitasyon lamang nito ay kung lumampas na sa inaasahang bilang ng mga mananayaw ang isang grupo. Bawat baitang ay mayroong mga kalahok upang maipakita ang kooperasyon ng buong samahan ng paaralan.

            Noong panahon ko, ang bawat mananayaw ay may tinatawag na couturier. Siya ang tumutulong sa mananayaw na isukat ang damit, ayusin ang mga dapat na ayusin sa magiging postura, mapa-sapatos man ito, head dress o ang kabuuan ng damit pang-indak. Para sa konsepto ng kanilang kasuotan, ang tanging pamantayan dito ay gawa sa niyog ang mga materyales, kahit ano pa mang parte nito ang ilagay. Mula sa ulo hanggang paa, dapat yari ang mga ito sa niyog sapagkat ang buong pagdiriwang ay nagsisilbing pagbibigay-pugay sa produkto kung saan nakilala ang lungsod (San Pablo Coconut Festival). Sari-saring gimik ang ginagawa ng mga paaralan upang maipakita ang kakaibang gamit ng niyog sa kasuotan. Maging ang sapatos ay binabalutan ng lubid na gawa rin sa niyog upang mabigyang-diin ang produkto. 


            Bago pa man magkaroon nito, puspusan na ang paghahanda para sa buong koreograpia ng magiging sayaw. Tulong-tulong ang mga guro ng PE sa pagbubuo nito. Oktubre pa lamang ay nag-eensayo na ang lahat tuwing hapon pagkatapos ng klase. Pinepwesto sa unahan ang mga magagaling na mananayaw at sila namang inilalagay sa hulihan ang mga lalaking tagabuhat ng mga props na gagamitin. Tatlong buwan ginagawa ang ganitong pamamaraan hanggang sa dumating na ang araw ng paligsahan.    


            Sa tatlong taon kong panonood ng paligsahang ito sa lungsod ng San Pablo, marami akong napansing mga pagbabago sa pagdaan ng panahon. Marahil ay dahil na rin sa pag-angat ng lungsod, marami nang mga materyales ang napalitan at mas ginamit na ang mga sintetikong props sa pagpapaganda ng mga kasuotan. Kung ating susuriing mabuti, dala na rin ito marahil sa laki ng badyet na inilalaan ng mga paaralan (paghingi ng mas malaking kabayaran ng bawat mag-aaral na kasali) para sa ganitong kompetisyon kaya’t may kakayahan silang pagandahin pa ang mga gagamitin. Maaaring masasabi nating maganda ito dahil kahit mahirap na ang buhay sa mga panahong ito, nagagawa pa rin nilang isalba at maisali ang mga mag-aaral na nagnanais na ipakita ang kanilang talento sa pagsayaw. Ngunit, kung ating iisiping mabuti, nawawala na ang orihinal na punto kung bakit nagsasagawa ang lungsod ng ganitong mga paligsahan. Ito ay upang mas palawigin pa ang pagtataguyod ng sariling atin, ng sariling produktong ipinagmamalaki ng lugar na nadadala sa pagpapakita ng abilidad ng mga kabataan.
           

          Isang bagay lamang ang patuloy na ipinapakita nito. Binibigyang pansin ang presensya ng estado ng pamumuhay para sa mga maaaring sumali rito (Marxism-class). Oo at galing ka sa isang pampublikong paaralan ngunit sa pagbabayad ng mga materyales para sa lahat-lahat ng kakailanganin, walang excemption. Ito ang irony nito. Sa kabilang banda, may magandang naidudulot din ito para sa pagbibigay-diin ng kahalagahan ng art nang walang panghuhusga sa panlabas na kaanyuan ng tao dahil lamang sa mga damit na kanilang isinusuot. Kung magandang tingnan na ang lahat ng mga kalahok ay naka-disenyong palda para sa pang-ibaba, maging ang mga lalaki ay kasama dito. Walang kahit anong malisya. Lahat ay isinasagawa.  


No comments:

Post a Comment